LEGAZPI CITY—Muling hinikayat ng toxic watchdog group ang publiko na gumamit na lamang ng ibang alternatibong pampaingay kaysa gumamit ng mga paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay BAN Toxics Campaigner Tony Dizon, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kanila ring ikonokonsidera ang iba pang pampaingay kagaya ng paggamit ng torotot o mga bagay na makukuha sa loob ng bahay kung saan hindi na nito kinakailangang gumastos pa.
Mas mabuti aniya ang paggamit ng alternatibo dahil sa kaunti rin namang minuto ang ilalaan para sa pagsalubng Bagong Taon na posible pang ikatipid ng mamamayan.
Ngunit binigyang-diin ni Dizon na dapat pa rin na magpalabas ng mga paalala ang Food and Drug Administration tungkol sa mga ipinagbabawal na torotot upag makaiwas sa nakalalasong kemikal at iba pang peligro na maaaring makuha mula rito.
Mensahe naman ng opisyal lalo na sa mga bibili na mga pampaingay ngayong Bagong Taon na tiyaking tinitingnang ang product information nito at tiyaking ligtas na gamitin hindi lang para sa kapaligiran kundi pati rin sa kalusugan ng bawat isa.











