LEGAZPI CITY – Masasabi ng isang Albayano na dapat sagutin ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno ang kanilang pagkakasangkot sa mga anomalya ng flood control projects.
Ayon kay Albay Movement Against Corruption Transport representative Tom Magallon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na base sa mga imbestigasyon at pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, dapat sagutin ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno na sangkot dito dahil nakasalalay dito ang mamamayang Pilipino.
Dapat aniyang sagutin ni Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co ang mga akusasyon laban sa kanya lalo na kung naniniwala talaga itong wala siyang ginawang masama dahil naghihintay ang mga Albayano at Pilipino sa kanyang sagot.
Ipinunto rin niya na malinaw kase umano sa mga isiniwalat ng mga dating district engineer ng Department of Public Works and Highways Bulacan na siya ang idinadawit sa nasabing anomalya.
Aniya, inaabangan nila ang sagot at pagharap ni Rep. Co para ipaalam sa publiko lalo na ang tinatayang trilyong halaga ng umano’y kickback sa mga sangkot na opisyal na makakatulong sana sa maraming naghihirap na Bikolano at Pilipino.
Apektado rin sila sa patuloy na kontrobersiya dahil nagiging biktima ang kanilang sektor ng mataas na buwis na ibinabayad sa gobyerno mula sa mga lisensya, pagpaparehistro ng mga sasakyan maging ang halos lingguhang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na pumapasok lamang sa bulsa ng mga tiwaling politiko.
Nanawagan sila na ibalik ang mga ninakaw na pera upang matugunan ang umuusbong na problema hindi lamang sa rehiyon ng Bicol kundi maging sa buong Pilipinas upang maibsan at matakasan ang paghihirap ng mga ordinaryong mamamayan.
Nais ni Magallon na pagbutihin ang mga flood control projects ng gobyerno upang kahit umulan ay maiwasan ang pagbaha na nagreresulta sa kanilang patuloy na kabuhayan.