LEGAZPI CITY- Naghahanda na ang pamunuan ng Matnog port kaugnay ng binabantayang sama ng panahon.
Ito matapos na maitaas na ang tropical cyclone wind signal no. 1 sa lalawigan ng Sorsogon kaugnay ng Bagyong Aghon.
Ayon kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na oras na magkakaroon ng mga stranded passengers ay inihahanda na ng tanggapan ang ilalatag na evacuation plan.
Paliwanag ng opisyal na kinakailangang matutukan ang paglikas sa mga pasahero kung lalakas pa ang naturang sama ng panahon.
Ikinababahala kasi ang pagkakaroon ng storm surge o pagtaas ng tubig gayundin ang posibleng epekto ng malakas na hangin.
Samantala, ang mga sasakyang pandagat naman umano ay alam na kung saan sila maaring mag take shelter.