LEGAZPI CITY—Puspusan na sa paghahanda ang mga pulis sa Masbate ilang araw bago ang pag-obserba ng Undas 2025.

Ayon kay Masbate Police Provincial Office Public Information Officer Police Captain Estrella Torres, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, handa na ang kanilang opisina na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga taong pupunta sa mga sementeryo.

Bukod dito, naglagay na rin aniya silang mga tauhan sa pantalan ng Masbate sa tulong ng coast guard at Philippine Ports Authority.

Dagdag pa ni Torres na magtatalaga rin ng mga tauhan upang pangasiwaan ang daloy ng trapiko sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.

Inihahanda na rin ng kanilang tanggapan ang medical team na ide-deploy kung sakaling magkaroon ng anumang emerhensya sa kasagsagan ng pag-obserba ng Undas.

Aniya, mayroon silang humigit-kumulang 700 tauhan na maaaring i-deploy sa buong probinsya katuwang ang ibang ahensya kagaya ng Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, local police units at iba pa.

Abiso ng opisyal sa publiko na iwasan ang pag-post sa social media kung aalis sila ng kanilang mga tahanan upang hindi ito maging takaw-atensyon sa mga indibidwal na may masamang binabalak.