LEGAZPI CITY- Nakatakdang bigyan ng pagkilala ng Masbate Police Provincial Office ang mga mangingisdang nakadiskubre ng Chinese submarine drone sa karagatan ng San Pascual.

Ayon kay Masbate PPO spokesperson Police Captain Estrella Torres sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na isa ito sa mga paraan upang mahikayat ang komunidad na makipagtulungan sa mga otoridad sa tuwing may nadidiskubreng mga kahinahinalang kagamitan.

Sa kasalukuyan ay isinasapinal na ang pagkilala sa naturang mga mangingisda kasunod ng kanilang ginawa.

Matatandaan na ang naturang unmanned underwater vehicle ay nai-turn over na ng Police Regional Office V sa Naval Forces para sa mas malalim na pagsisiyasat.

Aminado kasi ang opisyal na hindi lamang simpleng usapin ang pagkakadiskubre ng pinaniniwalaang Chinese submarine dahil posible itong magdala ng potensyal na banta sa seguridad ng bansa.

Dahil dito ay ginagawa umano ng mga otoridad ang lahat upang malaman kung saan nagmula ang naturang submarine drone at kung paano ito napadpad sa lalawigan ng Masbate.

Samantala, nanawagan naman si Torres sa publiko na iwasan munang magpakalap ng hind beripikadong mga impormasyon na posibleng magdulot ng pangamba sa mamamayan.