LEGAZPI CITY – Nanawagan ang isang mambabatas sa mga hog raisers na huwag isugal ang mga alagang hayop sa paggamit ng mga bakuna laban sa African Swine Fever mula sa Vietnam na hindi pa naaaprubahan.
Kung babalikan, sa isinagawang joint hearing ng Senate on Agriculture, Food and Agrarian Reform at Ways and Means, sinita ni Sen. Cynthia Villar ang Bureau of Animal Industry dahil June 2, 2023 pa ay tapos na ang field trial sa naturang bakuna gayung noong July 2 pa lang inaprubahan ng Viertnam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay AGAP party-list Representatinve Nicanor Briones, mapanganib ang naturang hakbang lalo pa’t ipinakalat na ang bakuna laban sa naturang sakit sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ipinagtataka rin nito kung bakit umabot sa 350,000 doses ng bakuna gayung nasa clinical trial pa lang, lalo pa’t hindi umano transparent ang resulta ng trial kundi confidential.
Ayon kay Briones, dapat na Bureau of Animal Industry at Food and Drug Administration ang nagsasagawa ng trial imbes na ang mga supplier dahil pwedeng sabihin na epektibo ang bakuna kahit hindi.
Ikinaalarma rin ng opisyal na baka maging dahilan pa ito ng pagkalat o pagdami ng mga baboy na nahawaan ng naturang sakit kaya hiling na maimbestigahan ang paggamit ng bakuna na hindi pa aprubado.