LEGAZPI CITY- Sobrang pinangangambahan ngayon sa bayan ng Pio Duran, Albay ang malalaking bato na posibleng mahulog sa kalsada.

Ito’y matapos na makita ang malalaking tipak sa naturang bundok sa barangay Marigondon na tinatayang kasing-taas ng apat hanggang limang palapag na gusali.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Noel Ordoña, Pio Duran MDRRMO head, matagal nang nakapagtatala ng mga nahuhulog na debris mula sa taas ng bundok ngunit maliliit lamang umano, malayo sa laki ng mga kasalukuyang posibleng mahulog na bato na halos kasing laki na ng motor o tricycle.

Wala pa aniyang nakikitang magandang intervention ang ahensya dahil mas delikado umano kung aakyatin ang bundok at subukang tanggalin ang mga bato.

Ani Ordoña, nilagyan na ito noon ng slope erosion control at screen ngunit hindi rin aniya tumagal.

Sa ngayon ay mayroon na ring mga signages at babala sa mga motorista patungkol sa sitwasyon, ngunit nangako naman ang opisyal na hihingi ng dagdag na tulong sa Department of Public Works and Highways.