LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy pa rin ang mga isinasagawang mga hakbang ng Department of Education (DepEd) at iba pang mga organisasyon upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga displaced learners.

Ito ay ang mga estudyanteng kinailangang lumikas sa kanilang mga paaralan na nasa loob ng 6km permanent danger zone, at mga estudyanteng walang magamit na classroom dahil kasalukuyan itong nagsisilbing evacuation centers.

Sa pinahuling tala ng DepEd Bicol Regional Disaster Risk Reduction & Management Officer Arch Deo Moreno, umabot na sa 19,877 ang kabbuuag bilang ng mga displaced students.

Sa naturang bilang 3,456 dito ang mula sa Camalig; 2,947 sa Daraga; 2,643 sa Guinobatan; 4,351 sa Malilipot; 1,627 sa Sto. Domingo; 70 sa Ligao City at 4,783 naman sa sa Tabaco City.

Sa ngayon, kahit pa man tapos na ng school year ay nagpamudbod pa rin ng 4,117 learners kit at 1,114 na teacher kits ang mga Non-Government Organizations (NGOs) tulad ng United States Agency for International Development (USAID) at ABC+ bilang tulong sa mga estudyante at kaguruan na apektado ng sitwasyon.

Samantala, nanatiling buo ang desisyon ng DepEd na ipagpapatuloy ang enrollment process para sa susunod na academic year kahit tumagal pa abnormalidad ng bulkang Mayon nang sa gayon ay huwag aniyang maputol ang edukasyon ng mga bata.

Kaugnay nito, sa pinakhuling tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagpapatuloy ang mga namomonitor na mahihinang volcanic tremors, indikasyon ng pagkakaroon ng pamumuo ng gas bubbles sa ilalim ng bulkan.

Ganoon pa man, ay hindi pa rin aniya ito senyales na bumubuti na ang kalagayan ng bulkan, at bayong pag-iingat ang kinakailangan.

Photo screenshot from PTV-Ryan Lesigues