LEGAZPI CITY – Pinawi ni Catanduanes Gov. Joseph Cua ang pangamba ng mga nasasakupan sa island province kaugnay ng pagsailalim sa General Community Quarantine, mula ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa gobernador, inihayag nito na mas malaking movement ng tao ang inaasahan kumpara noong nasa Enhanced Community Quarantine subalit magpapatuloy umano ang mga quarantine protocols.
Hindi umano dapat na makaligtaan ang pagsunod sa social distancing, “stay at home” protocol, pagbabantay sa boundaries, pagsusuot ng face masks at iba pa.
Ngayong araw, pinatawag ni Cua ang mga opisyal ng Philippine Coast Guard, Philippine Ports Authority at Philippine National Police sa lalawigan, para sa pulong.
Tinalakay ng mga ito ang paglalatag ng mga polisiya sa mga pumapasok na truck maging ang paglilinaw na hindi pa rin papayagan ang pag-uwi ng mga mula sa mainland, partikular na ang mga mula sa National Capital Region.
Sa ilalim ng GCQ kailangan lamang ayon kay Cua na balansehin ang safety at ekonomiya sa island province.