LEGAZPI CITY- Malaki ang pasalamat ng Catanduanes Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office (PDRRMO) sa mahigit P13-milyong pisong halaga ng emergency communications equipment na ipinagkaloob ng Australian Embassy sa pamamagitan ng Philippine Disaster Resilience Foundation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Roberto Monterola, Emergency Operations Chief ng PDRRMO Catanduanes, ang PDRF ay isang non-government organization na tumulong sa probinsya noong kasagsagan ng Bagyong Rolly at hanggang sa ngayon ay mayroon pang mga existing na mga programa na ginagawa sa lugar.
Ayon sa opisyal, malaki ang maitutulong ng naturang mga kagamitan pagdating sa communication system dahil naka install ito sa matataas na bundok at kaya umano nitong abutin ang mga lugar na isolated o mahihina ang signal.
Tatlong mga barangay naman mula sa Bayan ng Virac ang naging benipisyaryo nito, kabilang na ang Barangay Dugui Too, Dugui Wala, and Dugui San Isidro.
Maliban pa dito ay nabigyan pa ng ilang disaster response equipment ang mga personahe ng MDRRMO na makakatulong sa kanilang mga operasyon sa panahon ng kalamidad.
Samantala, gumagawa naman ng mga hakbang ang PDRRMO upang hindi masira ang mga bagong equipment na nakainstall sa mga bundok kung sakaling muling hagupitin ng malalakas na ulan o bagyo ang lalawigan.