LEGAZPI CITY – Umabot na sa mahigit 400 na mga wanted persons ang matagumpay na naaresto ng Masbate Police Provincial Office sa lalawigan ngayong unang quarter ng taong 2024.
Kabilang na dito ang pagkakahuli ng nasa 51 na mga municipal at provincial most wanted persons at 140 naman na other wanted.
Ayon kay PLTCOL Nicolas Malipot, ang Public Information Officer ng Masbate Police Provincial Office sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagkaroon ng pagtaas sa datos ngayong taon kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong taong 2023.
Ang pinaigting na kampanya aniya ng iba’t ibang police units sa lalawigan laban sa krimen ang pangunahing dahilan ng tagumpay ng kanilang himpilan.
Malaki rin umano ang naitulong ng pakikipag ugnayan ng kapulisan sa komunidad upang mas mapadali ang pagbibigay ng mga impormasyon sa mga kaduda-dudang pangyayari sa lugar.
Samantala, itinuturing ng Masbate PPO na ang pagkaka-aresto ng aabot sa 400 wanted persons ay patunay ng dedikasyon ng kapulisan na malabanan ang kriminalidad, maibigay ang hustisya sa mga biktima at mapanatili ang katahimikan sa nasabing lalawigan.