LEGAZPI CITY – Patay ang mag-asawang miyembro ng New People’s Army matapos na makaengkwentro ng mga sundalo sa Barangay Tuburan, Cawayan, Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Infantry Division Public Affairs Office chief Major Frank Roldan, nakatanggap sila ng report mula sa mga residente na may mga rebelde na nakikita sa barangay.
Agad naman itong pinuntahan ng mga sundalo subalit pagdating sa lugar ay nakapalitan ng putok ang nasa 10 miyembro ng rebeldeng grupo ng halos 10 minuto.
Natapos ang engkwentro ng tumakas papalayo ang mga rebelde at naiwan ang bangkay dalawang miyembro na nakilalang ang mag-asawa na sina Florencia at Pedro Regala.
Nakumpirma ng Philippine Army na aktibong miyembro ng rebeldeng grupo ang dalawa base sa kanilang intelligence monitoring at sa testimonya ng mga dating rebelde na sumuko na sa gobyerno.
Nakuha sa lugar ang isang m16 rifle, isang shotgun, kalibre 38 baril at mga dokumento.
Muli naman na nanawagan ang Philippine Army sa mga miyembro ng rebeldeng grupo na magbalik loob na sa gobyerno upang matulongang makapagbagong buhay.