LEGAZPI CITY- Nagpasa ng resolusyon ang lokal na pamahalaan ng Sto. Domingo, Albay upang magpasaklolo sa Senado at National Electrification Administration kaugnay ng krisis sa kuryente sa naturang bayan.
Ayon kay Sto. Domingo Vice Mayor Mark Aguas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na malalang serbisyo ang kanilang natatanggap mula sa power provider ng lalawigan na Albay Electric Cooperative.
Maliban pa dito ay naipaabot na rin ang naturang suliranin sa Office of the President sa pagnanais na agad na mabigyan ng solusyon ang problema.
Paliwanag ng bise alkalde na apektado na ang mga negosyo sa naturang bayan dahil sa palpak na serbisyo ng naturang korporasyon.
Nabatid na maraming residente na rin ang umaaray dahil sa pagkasira ng kanilang mga appliances.
Dagdag pa ni Aguas na kahit ilang ulit na nilang ipinatawag ang Albay Electric Cooperative ay pare-pareho pa rin ang paliwanag nito na dahil sa lumang utilities ang dahilan na madalas na power outage.
Hindi umano katanggap-tanggap ang naturang paliwanag lalo pa at nagmahal ang singil nito sa kuryente.