LEGAZPI CITY – Tuloy-tuloy ang mga isinasagawang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Legazpi upang matulungan ang higit na nangangailangang sektor ng lungsod.
Kasunod ito ng isinagawang kick-off ceremony kaugnay sa Livelihood Training Program of HELP o Hope for Especial Children Livelihood Program.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Veterinarian Dr. Manny Estipona, nilalayon ng programa na mabigyan ng kabuhayan ang mga magulang ng mga especial children na walang panahon na makapagtrabaho sa labas dahil 24/7 na nakatutok sa kanilang mga anak.
Sa pamamagitan ng programa, sasailalim ang naturang mga magulang sa libreng livelihood training upang kahit nasa bahay ay pwedeng makapaghanapbuhay.
Tuturuan ang mga ito sa paggawa ng floor mat, meat processing at iba pa na pwedeng mapagkakitaan.
Katuwang sa naturang programa ang Deparment of Social Welfare and Development – Sustainable Livelihood Program, Department of Trade and Industry, Albayanihan, Albay Viejo Sandigan Eagles Club at 1 Rider.
Maliban sa training, bibigyan din ng financial assistance na P20,000 ang bawat pamilya na isasailalim sa validations para sa kanilang panimula.
Ayon kay Estipona, walang magiging problema sa pagbebentahan ng mga gawang produkto ng mga special parent dahil mayroon ng nakahanda na market sa tulong Department of Trade and Industry.