LEGAZPI CITY – Inalis na ng Provincial Government ng Albay ang ipinatupad na liquor ban o pagbabawal sa pagbebenta, pagbili at pagkonsumo ng alak sa anumang klase at porma.

Una nang ipinatupad ang naturang kautusan sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine upang maiwasan ang pagtitipon at mapanatili ang social distancing.

Sa ibinabang Executive Order Number 19 series of 2020 ni Governor Al Francis Bichara, nakasaad na ang matagal nang ban sa mga nakakalasing na inumin ang nagdulot ng pagkalugi sa liquor industry at sakaling magtagal pa ay magpapalala sa sitwasyon ng retail businesses at empleyado sa naturang industriya.

Mismong ang Department of Trade and Industry (DTI) rin umano ang nagsabing walang ibinabang ban ang Inter-Agency Task Force sa retail distribution ng alcoholic beverages sa mga lugar na nasa ECQ o GCQ.

Nilinaw naman ni Danny Garcia, tagapagsalita ni Bichara sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kahit lifted na ang ban, mananatili ang ilang restrictions.

Kagaya na lamang umano ng pag-inom sa bahay lamang at hindi sa kalsada o pampublikong establisyemento kagaya ng mga bar and restaurants.

Danny Garcia, tagapagsalita ni Gov. Al Francis Bichara