
LEGAZPI CITY – Muling nakaranas ng ashfall ang mga residente ng Barangay Masarawag, Guinobatan, Albay dulot ng patuloy na pag-alburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Punong Barangay Vicente Mar Baliat sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi makapal ang mga abo na ibinagsak sa kanilang lugar ngunit nagdulot ito ng pangamba sa ilan nilang mga residente.
Naapektuhan din ng ashfall ang ilang taniman ng kanilang mga residente habang ang ilang mga alagang hayop ay hindi naapektuhan matapos ibaba ang ilan sa mga ito at ang iba ay dinala sa ligtas na lugar.
Mabuti na lang umano at walang residente ang nakaranas ng problema sa kalusugan dahil sa pag-bagsak ng abo habang patuloy silang namamahagi ng mga facemask bilang proteksyon.
Tinitiyak din ng opisyal na handa sila kung sakaling lumala ang Bulkang Mayon at tumaas ito sa alert level 4 dahil ang kanilang barangay ay itinuturing na nasa loob ng extended danger zones.
Binigyang-diin ni Baliat na bukod sa mga aktibidad ng Mayon, nakabantay rin sila sa posibilidad ng pagkakaroon ulit ng sinkhole sa kanilang Barangay sa kabila ng nilinaw na sa kanila ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na hindi ito konektado sa bulkan.










