LEGAZPICITY – Mariing ibinabala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko ang pagpasok sa 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon.

Ito ay dahil malayo na ang naabot ng mga volcanic materials ng bulkan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS resident volcanologist Dr. Paul Alanis, umabot na sa layong 1.5 km ang lava flow at 3.3 km naman na rockfall events mula sa summit ng Bulkang Mayon sa dalisdis sa bahaging Miisi at Bonga Gullies.

Batay sa pinakahuling datos, nakapagtala ng 142 rockfall events ang bulkan na indikasyong patuloy pa rin ang abnormalidad nito.

Bagama’t hindi na nakitaan ng paglaki ng lava dome, posible namang mabitak ang mga ito at mauwi sa Pyroclastic Density Currents.

Nananatili pa rin sa alert level 3 ang Mayon volcano dahil sa patuloy na magmatic unrest ng bulkan.

Abiso ng opisyal sa publiko na kailangan nang magdoble-ingat at huwag magpumilit na pumasok sa 6 km radius permanent danger zone dahil malayo na ang naabot ng mga volcanic materials na mapanganib sa mga tao.