LEGAZPI CITY – Muling gumuho ang lupa sa may national road na sakop ng Brgy. Paniquihan-Puraran sa Baras, Catanduanes dulot ng matinding pag-ulan na nararanasan.
Una na itong nakapagtala ng landslides sa pananalasa ng Bagyong Rolly sa nakalipas na taon.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Baras Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Engr. Khalil Tapia, ito rin ang dahilan ng pagkaantala ng biyahe ng ilang motorista.
Agad namang nakipag-ugnayan ang MDRRMO team sa Provincial DRRM Council at Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagpadala ng backhoe para sa clearing operations.
Matapos matanggal ang mga nakaharang na debris, nabuksan ang isang lane upang makatawid ang mga patungong bayan ng Virac at Gigmoto.
Tuloy rin ang pag-iikot ng team at monitoring maging sa mga posibleng pagbaha.
Samantala dahil inaasahan ang sungit ng panahon sa maghapon, inirekomenda na rin ang pagsuspendi ng trabaho sa pampubliko at pribadong tanggapan.
Una nang sinabi ni PAGASA weather forecaster Melvin Almojuela sa hiwalay na panayam na asahan na rin ang maulang weekend sa Bicol.