LEGAZPI CITY—Arestado ang isang indibidwal matapos magnakaw ng gadgets sa isang establisyimento sa Barangay Comagaycay, San Andres, Catanduanes.


Ayon kay San Andres Municipal Police Station, Deputy Chief of Police, Police Captain Marlon Donquilao, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang suspek na si alyas “Bimboy”, 22 taong gulang at pansamantalang naninirahan sa nasabing barangay.


Sa ulat ng biktima sa pulisya, napansin niyang wala na ang kanyang laptop nang pagpasok niya sa establisyimento.


Ngunit nang tiningnan niya na ang CCTV footage, nakita niya rito na pumasok ang isang lalaki at kinuha umano ang nasabing gamit.


Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad at sa tulong ng isang saksi ay nakilala ang suspek at naaresto malapit sa pinangyarihan ng insidente.


Dagdag pa ng opisyal, nakuha sa suspek ang isang laptop at cellphone.


Ayon aniya sa salaysay ng suspek, ginawa niya umano ang krimen dahil kailangan niya ng pamasahe pabalik ng Caloocan City.


Samantala, pinaalalahanan din ng opisyal ang publiko na huwag kalimutang isara ang mga pintuan ng kanilang mga tahanan lalo na sa gabi upang hindi mapasukan ng mga magnanakaw, gayundin na huwag iwanan ang kanilang mga gamit sa kung saan-saan.


Binalaan din niya ang mga nagnanais na gumawa ng mga ganitong krimen o ilegal na gawain na huwag nang ituloy dahil wala silang mapupuntahan sa mga ganitong gawain at posible pang managot sa batas.