LEGAZPI CITY – Naglagay ng mga karagdagang lahar signages ang lokal na pamahalaan ng Camalig, Albay sa ilang barangay sa paanan ng Bulkang Mayon.
Bahagi ito ng maagang paghahanda ng bayan sa anumang sakuna na nakasentro sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mga residente sa inaasahang epekto ng pagpasok ng La Niña.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig MDRRMO head Rommel Negrete, kabilang ang mga barangay ng Anoling, Tumpa, Quirangay, Ilawod, Sua, at Salugan.
Ang naturang bayan ay isa sa mga lugar sa Albay na may bahaging pinakamalapit sa bulkan kung saan may mga river channels mula sa gullies nito ang diretso sa ilang mga lugar.
Bukod sa lahar, tinututukan din ang banta ng baha at landslides kaya’t ipinag-utos ang activation sa mga barangay sa regular na pagmonitor at pagsasagawa ng hourly unit tracing.
Pinakalayunin nito ang mapanatili ang zero-casualty ng bayan sa panahon ng mga kalamidad.