LEGAZPI CITY – Nanindigan ang isang labor group na babantayang maigi ang isinusulong na dagdag sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sector.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jerome Adonis Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, matapos ang isinagawang kilos protesta ng grupo kahapon sa harap ng Kongreso ay nagkaroon sila ng pag-uusap kasama ang mga mambabatas.
Dito ay napagkasunduan na talakayin ng House Committee on Labor and Employment mula sa Martes ang panukalang minimum wage hike.
Ayon kayAdonis, mayroong ilang kongresista na hindi pabor sa naturang dagdag sahod sa rason na posibleng tumaas daw ang presyo ng mga bilihin.
Mahihirapan din aniya lalo na ang mga maliliit na negosyo na hindi naman kayang ibigay ang hinihinging P100 daily minimum wage hike.
Subalit binigyang diin ni Adonis na sa profit o kita ng mga negosyante kukunin ang isinusulong na dagdag sahod at hindi sa mga produkto.
Batay umano sa isinagawang pag-aaral ng Ibon foundatioin na tanging 7.1% lang ang mawawala sa profit ng mga negosyante oras na makapasa ang P100 wage hike.
Sinabi pa ni Adonis na taon-taon ay tumataas ang productivity ng mga manggagaw subalit wala namang pagtaas sa sahod na maituturing na hindi na makatarungan.
Kaya napapanahon lang aniya ang panukalang P100 wage hike at kung tutuusin ay kulang pa ito lalo na ngayon na sobrang mahal ng mga bilihin.