LEGAZPI CITY – Umapela si Albay Cong. Edcel Lagman na paigtingin ng pamahalaan lalo na ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko kaugnay ng coronavirus disease (COVID-19).
Bukod aniya sa ito ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng mga fake news, maiibsan rin ang pagkaalarma ng mga tao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lagman, dapat na magmula sa pamahalaan mismo ang reliable at kumpletong mga impormasyon dahil ang mas kaunting kaalaman ang magdadala ng takot.
Maliban pa sa mga impormasyon mula sa national, dapat rin aniyang mas updated ang mga inilalabas na detalye ng regional offices.
Inihalimbawa pa nito ang hindi magkatugmang ulat ng DOH central at Bicol kung saan sinasabing naka-admit sa pagamutan ang mga COVID-positive subalit kalauna’y napag-alamang naka-isolate sa bahay dahil mild lamang ang mga sintomas na ipinakita.
Sa ngayon, tatlo na ang kumpirmadong positibo sa COVID-19 sa Albay kung saan isa ang nasa Bacacay, isa sa Guinobatan at ang isa ay American national sa Legazpi City.