Police in Sorsogon province continue to monitor passengers stranded at the Matnog port due to the ravages of TD Basyang.

LEGAZPI CITY – Patuloy na minomonitor ng pulisya sa lalawigan ng Sorsogon ang mga pasaherong na-stranded sa pantalan ng Matnog dahil sa pananalasa ng Bagyong Basyang.

Ayon kay Sorsogon Police Provincial Office Spokesperson Police Major Arwin Destacamento sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahigit 200 pasahero ang na-stranded sa nasabing daungan dahil sa mga trip cancellations papuntang Visayas at Mindanao.

Aniya, maaaring madagdagan pa ang datos sa mga susunod na oras lalo na’t mahigit 100 sasakyan ang nakapila papunta sa daungan o katumbas ng ilang kilometrong pila ang naghihintay na magbalik ang serbisyo ng mga roro.

Bagama’t hindi direktang tinamaan ng bagyo ang kanilang lalawigan, tiniyak din niya na naghanda sila ng ligtas na lugar kung saan maaaring lumipat ang mga pasahero kung sakaling makaranas ng malakas na pag-ulan.

Napansin din ng opisyal na mas organisado at sistematiko ang sitwasyon sa Matnog Port kung saan ang bawat pasahero at sasakyan ay may mga queuing numbers na nakalagay ang barkong kanilang sasakyan kung sakaling matuloy na ang biyahe.

Pinaalalahanan din ni Destacamento ang mga pasaherong papunta pa lamang ng Matnog Port na huwag nang subukang bumiyahe habang may masamang panahon pa upang maiwasan ang pagka-stranded lalo na ngayon na may mga trip cancellations.