LEGAZPI CITY – Kinondena ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ang pagtapon ng Japan ng milyong tonelada ng treated radioactive material sa Pacific Ocean.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pando Hicap, chairperson ng naturang grupo, posibleng makaapekto ang naturang hakbang ng Japan sa mga mahuhuling isda.
Lalo pa’t papalapit na ang northeast monsoon o Amihan sa huling bahagi ng taon, kaya hindi malabong maapektuhan ang pinagkukunan ng isda sa ilang bahagi ng karagatan ng Pilipinas.
Kasama sa pinangangambahan na maapektuhan ang resource-rich Philippine Rise o ang dating Benham Rise na nasa silangang bahagi ng Luzon na mayaman sa iba’t-ibang uri ng lamang dagat, minerals at gas deposits.
Aniya, hindi rin malayo na makarating ng Bicol region at iba pang bahagi ng bansa ang toxic treated wasterwater.
Una ng nanindigan ang Japan na ligtas at walang dalang panganib ang itinapon na wasterwater mula sa naturang nuclear plant na sinigundahan naman ng United Nations atomic agency.
Subalit, binigyang diin ni Hicap na dapat pinag-aralan at kinunsulta muna ang bansa sa palibot ng Pacific Ocean bago ginawa ang naturang hakbang lalo pa’t hindi naman nila pag-aara ang Pacific Ocean.