LEGAZPI CITY – Nakatakdang putulin ang kanang paa ng isang lalaki matapos masagasaan ng tren ng Philippine National Railways sa Barangay EM’s Barrio sa Legazpi City.
Ayon kay Legazpi City Police Station spokesperson Police Executive Master Sergeant Carlos Paña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, muntik nang madurog ang isa sa mga paa ng biktima dahil sa tindi ng epekto ng nasabing insidente.
Batay sa kanilang imbestigasyon, dati nang nahagip ng tren ang biktima noong 2024 kung saan naputol din ang daliri nito.
Aniya, nakatulog sa gilid ng riles ang biktima dahil sa impluwensya ng alak kaya’t hindi na niya namalayan an paparating na tren.
Sinabi ng opisyal na milagrong nakaligtas ang biktima sa kabila ng kanyang mga sugat na tinamo.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung sino ang responsable sa nangyaring insidente.
Umapela si Paña sa mga residenteng nakatira malapit sa riles na maging mapagmatyag at alamin kung anong oras dadaan ang tren sa kanilang lugar.