BMF 2020

LEGAZPI CITY – Paglalapat ng tamang areglo at pag-rearrange ng awitin na ang pinagtutuunan ngayon ang pansin ng isa sa 12 finalist na nakapasok sa Bombo Music Festival 2020.

Hindi umano dapat na magpakakampante ayon kay Ernie John Clores ng San Pablo City, Laguna kahit isa na itong audio engineer sa isang label sa naturang lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nabatid na musically-inclined ang pamilyang pinagmula ni Clores habang hindi rin maitatangging taglay ang dugo ng pagiging musikero mula sa pagkabata hanggang sumuong sa mga raket ng banda noong kolehiyo.

Subalit sa hindi umano nito akalaing sa isang ‘epic fail’ na plano mabubuo ang isang awiting na nakabilang sa BMF na pinamagatang “Sabi ko Naman Sa ‘Yo”.

Ayon kay Clores, mula ang liriko ng awitin sa sulat sana ng kasamang composer nito na si Glenn Bawa na inihahanda at babasahin sana sa mismong kasal nito ngunit hindi natuloy kaya’y ibinigay na lamang sa asawa ang sulat.

Nang mapagtagpi-tagpi para sa isang awitin, nilapatan ng melody at ipinasa sa original songwriting competition na lubos ding ikinatuwa nang maging finalist pa.