LEGAZPI CITY – Inaalam pa hanggang sa ngayon ang kabuuang halaga ng pinsala matapos masunog ang isang malaking warehouse ng abaca sa P-7 Balading, Malinao, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay BFP Malinao FSInsp. Melvin Caño, nangyari ang sunog bandang alas-12:30 ng tanghali kahapon ng makatanggap sila ng tawag mula sa mismong empleyado ng Albay Agro-Industrial Development Corporation (ALINDECO).

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad katulong ang mga fire station ng karatig-bayan na Malilipot, Sto. Domingo at Tabaco City.

Tinatayang tumagal ng halos tatlong oras at kalahati bago naidekla na fireout ang sunog.

Isa sa mga tinitingnang anggulo ng pinagmulan nito ay ang mga baga mula sa ginagamit na welding machine na tumalsik sa mga nakatambak na abaca dahil may inaayos umano sa bubong ng warehouse.

Ayon kay Caño, umabot sa mahigit 1,500 square meter na land area ang naapektuhan ng sunog.

Kilala ang ALINDECO na supplier ng mga dekalidad na abaka at iba pang non-wood pulp sheets sa international market partikular na sa bansang Japan.

No description available.
PHOTO COURTESY: BFP V