LEGAZPI CITY- Proud ang sikat na Filipino designer na si Francis Libiran na nakakuha ng atensyon mula sa iba’t ibang bansa ang ‘Sinag Barong’ na isinuot ng team Philippines sa opening ceremony ng Paris Olympics.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Libiran sinabi nito na ang barong ang nagri-representa sa kultura at pagkakakilanlan bansang Pilipinas.
Kwento nito na nakikita niya ang mga atletang Pinoy bilang mga ‘warriors’ ng Pilipinas na sasabak sa arena ng mundo ng palakasan kaya naisipan niya ang Sinag Barong na nilagyan ng tila disenyong armor.
Sinadya umanong piliin ang kulay ng bandila ng bansa upang kahit pa malayo ay agad na makikita ang disenyo nito.
Aminado pa ang naturang designer na halos maging emosyunal siya ng makita na proud ang mga Filipino athletes sa pagsusuot ng mga ito ng barong na kaniyang idinisenyo.
Matatandaan na tatlong ulit ng naging designer si Libiran ng mga kasuotan ng mga atleta sa Southeast Asian Games subalit ito aniya ang unang pagkakataon na nag-disenyo siya para sa Olympics.
Itinuturing naman nitong tila katuparan sa mga pangarap niya na makapagdisenyo para sa parade of athletes sa Olympics.
Samantala, pinayuhan naman ni Libiran ang mga aspiring Filipino designers na huwag papakawalan ang kanilang mga pangarap at ipagpatuloy lamang ang pagmamahal sa pagdi-disenyo.