LEGAZPI CITY—Inihayag ng state weather bureau ang posibilidad ng paglapit sa rehiyon ng Bicol ng iilang mamumuong bagyo partikular na ngayong ‘ber’ months.
Ayon kay Catanduanes Weather Specialist Jun Pantino, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na sa mga naturang buwan ay dapat aniyang paghandaan at mag-monitor sa lagay ng panahon dahil ang galaw ng mga posibleng bagyo ay patungong Visayas area, Samar area, p Bicol area.
Dagdag pa ng opisyal, bukod sa mga bagyo, dapat ding bigyang atensyon ang mga pagguho ng lupa at flash flood dahil sa patuloy na nararanasang malalakas na pag-ulan sa rehiyon.
Binigyang-diin din ni Pantino na sa kasalukuyan ang pangunahing nakakaapekto sa mga pag-uulan sa Bicol ay ang southwest monsoon o habagat.
Samantala, patuloy rin na kumikilos ang Tropical Depression “Isang” patungo sa itaas na bahagi ng Pilipinas.
Maliban dito, binabantayan din ng state weather bureau ang bagong low pressure area na nasa bahagi ng Mindanao at sa kasalukuyan hindi ito inaasahang mamumuo bilang bagyo.