LEGAZPI CITY- Tinawag ng ilang mga Pilipino sa Australia na symbolic lamang ang ikinasang Multilateral Maritime Cooperative Activity ng Pilipinas, Estados Unidos, Australia, at Japan sa West Philippine Sea.
Paliwanag ni Bombo International Correspondent Denmark Suede na hindi nito mababago ang katotohanan na nananatili pa rin ang mga barko ng China sa naturang teritoryo.
Tila hindi umano natitinag ang China sa pagpapakita sa narrative claim nito na parte ng kanilang teritoryo ang West Philippine Sea sa kabila ng mga aktibidad sa naturang karagatan.
Isinalarawan pa ni Suede na nakakaiyak ang naging Maritime Cooperative Activity kahapon dahil bagamat host ang Pilipinas ay ito naman ang may pinakamaliliit na mga barko at walang anumang anti-ship capability.
Muli namang iginiit nito ang kahalagahan ng pagpapalakas pa ng pwersa ng Pilipinas upang maprotektahan ang soberanya ng bansa.
Hindi umano maipagkakaila na kinakailangan na maghanda ng bansa sa anumang kaguluhan lalo pa at patuloy ang karahasang ginagawa ng China sa naturang teritoryo.
Matatandaan na ang Estados Unidos ay ika-lawang bansa na mayroong visiting forces agreement sa Pilipinas.