Some Overseas Filipino Workers (OFWs) in Australia have admitted that they will not participate in the rally to be attended by Vice President Sara Duterte.

LEGAZPI CITY – Inamin ng ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Australia na hindi sila lalahok sa gagawin na rally na dadaluhan ni Vice President Sara Duterte.


Ayon kay Bombo International News Correspondent in Australia Denmark Suede sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tanging ang mga maiingay umano sa social media ang inaasahang dadalo sa aktibidad.


Sinabi pa nito na ang “Free Duterte Now” ay inorganisa ng Hakbang ng Maisug Australia International Melbourne Chapter para ipanawagan ang pagpapalaya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.


Inaasahan ng grupo na 3,000 hanggang 5,000 OFWs mula pa sa iba’t ibang estado ng Australia ang dadalo.


Aniya, ikokonsidera niyang maliit ang nasabing bilang dahil base sa datos ng gobyerno doon ay, tinatayang nasa 400,000 Filipino ang kasalukuyang naninirahan sa Australia.


Sa madaling sabi, hindi malawak ang suporta ng mga Pilipino sa rally dahil nagkaroon na ng mga parehong pagtitipon sa iba’t ibang estado sa nasabing bansa ngunit hindi naman umabot sa 1,000 ang kalahok.


Papayagan ng gobyerno ng Australia ang mga ganitong klaseng pagtitipon hangga’t sinisiguro nito ang kapayapaan at kaayusan ng aktibidad.


Nilinaw din ni Suede na magkakaroon ng police visibility sa aktibidad ngunit ituturing lamang na normal na turista ang Bise Presidente dahil hindi naman official visit ang gagawin nito.