LEGAZPI CITY—Iginiit ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na pansamantalang tumigil sa pagtrabaho ang iilan kanilang mangingisda dahil sa nagpapatuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina sa bansa.

Ayon kay PAMALAKAYA Spokesperson Salvador France, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa ikatlo nang araw na tumigil sa pagpalaot ang nasa 14,000 na mangingisda mula sa Laguna Bay, Cavite, Navotas at iba pang karatig na lugar dahil nahihirapan na ang mga ito kung paano makakabili ng panggasolina sa kanilang mga bangka.

Aniya na unang maaapektuhan sa tigil-laot ay ang kanilang mga pamilya, gayundin na isa rin itong dagdag pasanin sa mga mamimili dahil sa kakulangan ng suplay ng isda.

Sinabi rin niya na kung nasa halos 15,000 na mangingisda ang tumigil sa pagpalaot ay magreresulta ito sa toneladang kabawasan sa suplay ng isda sa mga merkado sa Maynila at iba pang lugar.

Binigyang-diin din ni France na kung hindi ninakaw ng gobyerno ang pera ng taumbayan ay madali sana aniyang nakapagtipon ng subsidiya para sa lahat ng mga mangingisda.

Samantala nanawagan ang opisyal sa adminsitrasyong Marcos na kung gusto nitong mabawasan ang paghihirap ng mga Pilipino ay dapat na ibasura ang oil deregulation law, Expanded Value Added Tax (EVAT) at excise tax, at kung hindi ito aniya masosolusyunan an maaring magkaaroon ng malawakang protesta laban sa pamahalaan.