LEGAZPI CITY- Nakaranas ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang mga lugar sa lalawigan ng Albay, Sorsogon at Masbate dahil sa walang patid na mga pag-ulan na naranasan dulot ng shearline.
Dahil dito ay nagpatupad pa ng paglikas ang ilang mga barangay sa lungsod ng Legazpi habang ilang mga bayan naman ang nagpatupad ng kanselasyon ng klase ngayong araw ng Lunes.
Samantala, sa bahagi ng Masbate sinabi ni City Disaster Risk Reduction and Management Office Admin and Training Section Chief Frandell Anthony Abellera sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sinabayan ng high tide ang mga pag-ulan kaya binaha ang ilang mga lugar.
Nabatid na may mga isinagip pang residente matapos ma-trap sa simbahan dahil sa pag-apaw ng tubig.
Dahil dito ay inaasahan na magbibigay ng asistensya sa mga apektadong mga residente habang patuloy naman ang clearing operations sa mga debris na iniwan ng mga landslides.
Nagpaalala rin si Abellara sa publiko na manatiling alerto kung sakaling magpapatuloy pa ang mga pag-ulan.