LEGAZPI CITY– Aminado ang ilang mga evacuees na hindi nawawala ang kanilang pangamba dahil sa abnormalidad ng bulkang Mayon.
Ayon sa residente ng Barangay Quirangay, Camalig, Albay na si Merly Moral sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kasabay ng kanilang paglikas ay balot sila ng pangamba para sa kanilang mga naiwan na pananim at mga alagang hayop.
Kwento nito na naririnig na nila ang dagungdong mula sa bumabagsak na mga volcanic materials mula sa bulkan kaya nagpasya na lumikas na.
Aminado rin ito na nahihirapan sila sa buhay sa evacuation center lalo na at wala silang pera para sa kanilang pangangailangan.
Matatandaan kasi na apektado ang kabuhayan ng mga lumikas na residente lalo pa at karamihan sa mga ito ay umaasa sa pagsasaka upang magkaroon ng kita.
Hangad naman ni Moral na makaraos sila sa mga pangangailangan lalo pa at inaasahang tatagal ng ilang buwan ang aktibidad ng bulkang Mayon.
Samantala, ipinagpapasalamat na lang nito na ligtas sila na siyang pinakamahalaga umano sa lahat. (via Bombo Romella Sacayan-Oandasan)











