Legazpi City– Nananawagan ang ilang mga delegasyon ng Private Schools Athletic Association (PRISAA) National Games na masolusyonan ang kanilang problema sa kakulangan ng suplay ng tubig sa ilang billeting schools sa Legazpi City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jeric Sinner, Volleyball Coach galing sa University of Baguio, nahihirapan sila sa pawala walang suplay ng tubig sa Pawa Elementary at High School lalo na pagdating ng umaga hanggang hapon.
Nakikiusap umano sila sa mga kalapit na bahay at sa pamunuan ng barangay makaligo lang ang kanilang mga atleta.
Bukod sa kakulangan ng tubig, malaking problema rin ang transportasyon patungo sa sentro ng lungsod at iba pang pasilidad gaya electric fans, at comfort rooms.
Kulang din ang classrooms na kanilang tinutuluyan kung saan 15 katao ang nagsisiksikan sa bawat classroom.
Naiparating na umano ito sa PRISAA National Coordinator upang agarang malutas at mabigyan ng solusyon ang kanilang kinakaharap na suliranin.
Samantala, nagpapasalamat naman si Sinner sa mahigpit na seguridad na pinapatupad ng Philippine National Police sa nasabing paaralan.
Mayroon naman umano silang naka-standby na medical team upang makapagbigay ng paunang lunas sa panahon ng emerhensiya.