LEGAZPI CITY – Irerekomenda ng Provincial Health Office ng Albay ang pagdagdag o pagbubukas ng mga bagong quarantine facility sa pagtanggap ng mga mild and asymptomatic COVID-19 patients.
Una nang naiulat ng Department of Health (DOH) na kabilang Albay sa ilan pang lalawigan sa bansa na kinakapos na sa hospital beds.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Health Office head Dra. Estela Zenit , totoong kinukulang na sa hospital beds ang mga pagamutan sa lalawigan dahil sa maraming nagpopositibo sa COVID-19 sa bawat araw.
Ilan sa mga pasyente ang inire-refer muna sa Bicol Medical Center sa Naga City dahil hindi naman ma-accomodate sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital na nakatutok sa mga malala at kritikal na kaso.
Samantala, tinitingnang ugat ng pagtaas ng kaso ang pagluluwag sa ilang restrictions, pagpayag sa home quarantine sa mga asymptomatic COVID-positive at dumaraming tests and screening na isinasagawa.