LEGAZPI CITY – Nakabalik na ang mga inilikas na pamilya sa kani-kanilang bahay matapos ang hindi inaasahang pagsabog ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDRRMO Sorsogon head Engr. Raden Dimaano, tatlong araw na nanatili sa evacuation center sa Barangay Tughan ang nasa higit 100 pamilya o higit 400 na indibidwal na mula sa Barangay Puting Sapa sa bayan ng Juban
Kasabay nito ay pumunta rin ang Bureauf of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police-Sorsogon sa mga liblib na lugar sa Juban at Irosin upang tulugnan ang mga residente sa paglilinis ng kanilang mga bahay na naapektuhan ng ashfall.
Ayon kay Dimaano, wala namang problema ang mga residente sa pagkukunan ng malinis na tubig dahil mayroong naka-standby na water filtration sa naturang mga lugar.
Sa kasalukuyan, nakatutok ang tanggapan sa indigenous monitoring dahil sa mga posibleng pagbaba ng mga hayop partikular na ang mga ahas mula sa kabundukan.
Kasama pa sa binabantayan ang pagbaba ng lebel ng tubig mula sa water source at pagkakaroon ng masangsang na amoy.
Pinawi naman ni Dimaano ang pangamba ng mga residente sa lahar flow dulot ng mga pag-ulan dahil wala naman umanong nakitang malaking deposito ng abo sa taas ng bulkan.
Inabisuhan din ang mga evacuees na kahit nakabalik na sa kanilang mga bahay, patuloy pa rin na magsuot ng masks upang maiwasan ang respiratory illness dulot ng abo mula sa bulkan.
Sa huling tala ng PHILVOLCS, nakataas pa rin sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan at striktong ipinagbabawal ang pagpasok sa 4km-radius Permanent Danger Zone at 2km extended danger zone.