LEGAZPI CITY – Higit 100 katao ang pinayagang makauwi sa Albay matapos ang isang linggong pagka-stranded sa Del Gallego, Camarines Sur dahil sa enhanced community quarantine sa Luzon bunsod ng COVID-19 outbreak.
Karamihan sa mga ito ang wala na umanong makain dahil sa matagal nang pagkaantala ng biyahe.
Nagkaroon muna ng pulong ang mga lokal na opisyal ng mga nakakasakop na bayan at mga lungsod kasama si Governor Al Francis Bichara bago mapagdesisyunan ang hakbang.
Sinabi ni Legazpi City Mayor Noel Rosal sa Bombo Radyo Legazpi, ibiniyahe sa truck ang mga ito upang maobserbahan ang social distancing.
Nasa 23 ang first batch sa Legazpi habang residente ng mga katabing-bayan ang iba na ngayo’y itinuturing na Persons Under Monitoring (PUM).
Isinailalim sa health protocols kontra sa coronavirus disease ang mga ito at nasa maayos nang kalagayan ayon kay Rosal.
Samantala, wala pa namang aniyang malaking isyu na kinakaharap ang border closure na ipinatupad.