LEGAZPI CITY- Ikinababahala ng isang health expert na posibleng malugi ang Philippine Health Insurance Corporation sa susunod na dalawang taon kung walang makukuhang pondo mula sa pamahalaan.
Paliwanag ni Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na dumarami ang populasyon ng bansa taun-taon kaya hindi sasapat ang pondo na mayroon ang naturang korporasyon.
Aniya, oras na pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang pondo na inaprubahan sa bicameral committee ay posibleng mag-collapse ang healthcare system ng bansa.
Hindi rin inaalis ng opisyal ang posibilidad na hindi nabibigyan ng paglilinaw ng mga cabinet members ang pangulo kaya hindi naiintindigan ang posibleng maging legasiya nito.
Samantala, sinabi ni Leachon na kung hindi gagamitin ni Pangulong Marcos ang veto powers nito ay posibleng ang mga nasa pribadong sektor ang papasan ng bigat at responsibilidad sa buong insurance health system.
Kinuwestyon rin nito ang paglilipat ng malaking halaga ng pondo ng pamahalaan sa ayuda ng mga politiko imbes na tutukan ang pagsasaayos ng health care system lalo pa na ang mga naghihirap na mamamayan ang pinaka apektado.