Photo courtesy, PNA Logo FB


LEGAZPI CITY – Naaalarma ang Philippine Nurses Association sa maaaring maging sitwasyon ng Pilipinas sa COVID-19 sa mga susunod na linggo o buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PNA President Melvin Miranda, naobserbahan na tila nagiging kampante na ang publiko mula ng luwagan ang restrictions sa NCR at iba pang lugar.

Napansin kasi ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 ay tila binabalewala na ang pagsunod sa minimum public health standards.

Lalo pa’t pinahihintulutan na ang halos 100% na kapasidad ng mga establisyimento kung kaya’t malaya na ang galaw ng mga tao.

Ikinababahala ni Miranda na baka maulit na naman ang sitwasyon ng bansa noong Disyembre ng nakaraang taon kung saan biglang lumobo ang bilang ng tinatamaan ng sakit dahilan sa pagluwag ng restrictions.

Paalala nito na kahit ibinaba na sa Alert Level 1 ang NCR at iba pang lugar panatilihin pa rin ang pagsunod sa health protocols para sa tuloy-tuloy na pagbuti ng sitwasyon.