LEGAZPI CITY – Naka-isolate na ngayon sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) ang limang panibagong COVID-19 positive case sa Albay.
Umakyat na sa 19 ang bilang ng mga nagpositibo sa sakit sa lalawigan subalit 13 sa mga ito ang naka-recover na at nakauwi sa kani-kaniyang tahanan.
Ayon kay Albay Provincial Health Office (PHO) head Dr. Antonio Ludovice sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kabilang sa mga panibagong kaso ang isang pulis na mula sa Naga City na dinala sa military hospital subalit agad na inilipat sa BRTTH matapos na magpositibo sa swab test.
Naitala naman ang pinakaunang medical frontliner sa Bicol na tinamaan ng sakit sa pamamagitan ng nurse na nagtatrabaho sa pribadong pagamutan at isa sa mga nakasalamuha ng 74-anyos na si Bicol #19 na pumanaw na rin kahapon.
Tiniyak naman ni Ludovice na walang dapat na ipangamba ang publiko dahil umuusad na ang contact tracing habang naka-quarantine na rin ang mga nakasalamuha nitong health workers.
Kasambahay naman ni Bicol #19 ang isa pang kaso, mula sa Legazpi City ang isa at mula sa bayan ng Daraga ang dagdag na nagpositibo.
Pinag-aaralan na rin kung magbababa ng kautusan na ipasara muna ang purok o barangay na inuuwian ng mga panibagong kaso upang maiiwas ang publiko sa pagkalat ng virus.
Sa kabila nito, wala naman aniyang dapat na ikaalarma ang publiko dahil ginagawa naman ang lahat upang makontrol ang pagkakahawa-hawa sa sakit.
Abiso naman ng opisyal sa publiko na magpatuloy sa pagsunod sa mga ipinatutupad na hakbang ng mga otoridad.