LEGAZPI CITY—Naitala sa mahigit P17 milyon ang tinatayang halaga ng pinsala sa mga palayan sa lalawigan ng Albay dahil sa nararanasang sama ng panahon sa lugar.
Ayon kay Albay Provincial Agricultural Office Assistant Agriculturist Daryl John Buenconsejo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, base sa kanilang inisyal na datos, nasa 388 ektarya ng palayan ang partially damaged habang 682 ektarya ang totally damaged, kung saan nasa P17, 395,000 ang naitalang tinatayang halaga ng pinsala sa mga palayan.
Dagdag pa ng opisyal, nasa 843 ang kabuuang bilang ng mga apektadong magsasaka.
Iilan sa mga munisipilidad ang nakapagsumite na nang kanilang ulat hinggil sa mga nasirang palayan ay ang Guinobatan, Libon, Ligao, Polangui at Malinao.
Aniya sa kasalukuyan ay patuloy ang kanilang pangongolekta ng datos mula sa iba pang lokal na pamahalaan patungkol sa mga nasirang commodity dahil sa mga nararanasang pag-uulan.
Samantala, tiniyak din ni Buenconsejo na magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga apektadong magsasaka at mangingisda sa nasabing lalawigan.