LEGAZPI CITY- Sa kabila ng pagmamalaki ng pamahalaan na napaglaanan ng malaking pondo ang sektor ng edukasyon sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program ay hindi pa rin natuwa ang ilang grupo ng mga guro.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimir Quetua sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na halos hindi pa pumapatak sa 4% ng gross domestic product ang nasa P977 billion na pondo para sa naturang sektor.
Ipinunto ng opisyal na noong 2023-2024 ay bumaba ang pondo ng education sector kaya hindi pa sapat ang P977 billion na ilalaan para sa susunod na taon.
Pinuna rin nito ang patuloy na paglalaan ng mataas na halaga para sa confidential funds.
Ayon kay Quetua na madaling sabihin na prayoridad ang education sector subalit hindi umano ito nararamdaman ng mga guro sa bansa.
Ang inilaan umanong pondo sa susunod na taon ay hindi pa sapat upang mapunuan ang kakulangan sa mga silid-aralan at pagtaas ng sahod ng mga guro.