LEGAZPI CITY – Tuloy at normal pa rin umano ang pagkolekta ng mga basura mula sa mga kabahayan sa lungsod ng Legazpi sa kabila ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa Luzon dahil sa coronavirus pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of the City Environment and Natural Resources (OCENR) Legazpi head Cicero Cano, sapat naman ang face mask, gloves, hand sanitizer at goggles ng mga garbage collector upang maprotektahan rin ang sarili kontra sa coronavirus.
Ayon kay Cano, maging sa mga basura ay may pag-disinfect bago ikarga sa truck upang matiyak na hindi kontaminado ng virus.
Sa mga barangay naman na nagpatupad ng lockdown, ipinatigil muna ang pagkolekta ng basura kaya’t abiso sa mga residente ang waste segregation upang hindi mangamoy at magkalat.
Ipinahihiwalay rin sa ibang mga basura ang mga personal protective equipment (PPE) at medical supplies kagaya ng face mask at gloves na itinuturing na hospital waste na may iba ring kumokolekta.