Some members of the Filipino Community were shocked by the mass shooting that occurred at Bondi Beach in Sydney, Australia.

LEGAZPI CITY – Ikinabigla ng ilang miyembro ng Filipino Community ang nangyaring mass shooting sa Bondi Beach sa Sydney, Australia.


Matatandaan na nangyari ang pambabaril noong Disyembre 14, sa pagdiriwang ng Hanukkah festival ng mga Jewish community kung saan maraming tao ang nagtipon.


Ayon kay Bombo International News Correspondent in Australia Denmark Suede sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagulat ang lahat ng mga Australyano sa insidente dahil ang huling naitalang pinakamalalang insidente ng pamamaril sa nasabing bansa ay noong 1996 pa.


Nagulat din sila sa impormasyon na mag-ama ang umano’y sangkot kung saan ang ama ay kabilang sa 16 na kumpirmadong napatay habang ang isang gunman ay kabilang sa 40 na naitalang sugatan.


Sinabi ni Suede na ang ilang mga Australyano ay napilitang pansamantalang umalis sa Sydney matapos ang trauma na dulot ng insidente.


Ipinunto niya na mahigpit naman umano ang gobyerno ng Australia sa pagpapatupad ng mga regulasyon tungkol sa pagmamay-ari ng baril ngunit may ilan na gumagawa ng mga home-made na baril sa kasalukuyan na mistulang sumpak sa Pilipinas.


Sinabi rin ni Suede na natutuwa siya na walang kapwa Pilipino na nadamay sa insidente, na nauna nang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA).