LEGAZPI CITY – Pinaalalahanan ng dating National Task Force Against COVID-19 Special Adviser ang pamahalaan na mas lalong lalala ang sitwasyon ng coronavirus pandemic sa bansa kung hindi maibibigay ang tamang impormasyon.
Matapos ang pagbibitiw sa posisyon, pinuna ni Dr. Tony Leachon ang paghawak ng Department of Health (DOH) sa health crisis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sinabi pa ni Leachon na sa tatlong buwang itinagal ng krisis, mistulang wala umanong improvement sa performance ng DOH.
Patunay aniya rito ang datos ng COVID-19 cases na padami nang padami.
Muling iginiit ni Leachon ang paglalahad ng real-time data sa publiko lalo pa’t sa buong mundo umano, tanging Pilipinas lamang ang nag-uulat ng “fresh” at “late” cases.
Hindi rin ikinatuwa ni Leachon ang pahayag na imbes na ikonsidera ang kaniyang opinyon, depensa umano ng DOH ang paghahandaan.
Ipinagpapasalamat pa ni Leachon ang pagpasok ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman dahil sa umano’y iregularidad sa paggamit ng COVID-19 response fund.