LEGAZPI CITY – Ikinatuwa ng Land Transportation Office (LTO) Bicol ang positibong epekto ng enhanced community quarantine sa Luzon bunsod ng coronavirus pandemic kung saan naobserbahan ang pagbaba ng mga naitatalang road crash.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTO Bicol Director Franciso Ranches Jr., paunti-unti na umanong natututunan ng mga driver ang pagkakaroon ng disiplina sa kalsada.
Ayon kay Ranches na dapat ituloy-tuloy na ang disiplina kahit magtapos na ang community quarantine upang maiwasan na ang mga aksidente sa kalsada at wala nang buhay na masayang.
Kahit hindi lahat ang umaayon sa quarantine, pinapakita naman aniya nito kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng disiplina at pag-iingat sa pagmamaneho ng mga sasakyan.
Samantala, hindi naman tumitigil ang mga isinasagawang seminar at iba pang kampaniya ng LTO upang mapalawig ang kaalaman ng mga driver at operators nang tuluyan nang maibaba ang mga road crash incidents.