LEGAZPI CITY – Nasamsam ng Department of Trade and Industry ang nasa P3.5 millon na halaga ng mga uncertified products sa Bicol sa unang bahagi ng taon.

Sa panayam ng Bombo Radyao Legazpi kay DTI Bicol Assistant Regional Director Joseph Rañola, nasa 103 na mga establisyemento ang binista ng Regional Monitoring & Enforcement team ng tanggapan kung saan 43 dito ang nakitaan ng paglabag sa safety at quality policies.

Ito ay matapos madiskubre na nagbebenta ng mga uncertified products o mga produkto na walang required Product Standard (PS) at Imported Commodity Clearance (ICC) marks o stickers.

Kabilang sa mga nakumpiskang produkto ay ang brake fluid, CFL bulb, corrugated G.I. sheet, monoblock chairs, sanitary wares, ceramic tiles, electric kettle, rice cooker, UPVC pipes, electrical tapes, electric wires, extension cords, socket outlet, at switch.

Nanguna ang lalawigan ng Catanduanes sa may pinakatamataas na nakunan ng uncertified products na umabot sa P3.05 million; sinundan ng Sorsogon na may, P172,000; Albay, P124,000; Camarines Sur, P52,000; Camarines Norte, P34, 913 at Masbate, P28,000.

Ayon kay Rañola, regular na isinagawa ang naturang aktibidad upang matiyak ang seguridad ng mga mamimili.

Paalala ng ahensya sa publiko na tingnan ng mabuti ang mga markings ng mga binibiling produkto upang hindi masayang ang ipinambayad na pera.

Samantala, sasampahan ng pormal na kaso ang naturang mga establisyemento ng paglabag sa Republic Act 4109 o Product Standards Law.