LEGAZPI CITY- Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol na walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon na nakatanggap ng mga expired nang mga produkto o relief goods ang ilang mga residente sa mga evacuations centers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Regonal Director Norman Laurio, sinabi nitong lahat ng mga ipinamigay na produkto ang bagong gawa pa, o sa 2024 pa naman ang expiration dates.
Pagbibigay-diin ng opisyal na hindi nagbibigay at bawal magbigay ng mga expired ng produkto at ng hindi na mapakikinabangan.
Kaugay nito sinabi ni Laurio na sa ngayon ay umabot na sa P91-Milyon ang kabuuang asistensya na dumating para sa Mayon evacuees mula sa iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno at mga grupo.
Sa nasabing halaga, P65-milyon umano nito ay para sa mga family food packs at cash assistance naipamigay na sa mga na 28 evacuation centers.
Samantala, ngayong araw nakatalaang magkaroon ng Coordination Meeting ang ahensya kasama si Albay Gov. Grex Lagman at walong mga local executives.