LEGAZPI CITY – Ready na ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa Bicol sa pamamahagi ng ikalawang bugso ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Nitong Hunyo 10 nang umpisahan ang pamamahagi ng SAP para sa mga kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Regional Director Arnel Garcia, hinihintay na lamang na mai-download ang pondo upang maumpisahan na ang distribusyon para sa mga non-4Ps beneficiaries.
Kung maibaba na, maaring sa susunod na linggo ay makapag-umpisa na ng pagbibigay ng ayuda.
Nilinaw pa ni Garcia na wala nang magiging partisipasyon ang mga barangay maliban na lamang sa pagkilala kung tama ang taong nasa payroll.
Muling makakatanggap ng ayudang P5, 000 ang mga unang tumanggap ng first tranche habang P10, 000 para sa waitlisted beneficiaries.
Samantala, pinawi ni Garcia ang pangamba ng ibang benepisyaryo sa first tranche na hindi nakarehistro sa ReliefAgad app.
Paliwanag ni Garcia na kung nabigo na makaparehistro sa application, mismong ang DSWD regional office ang magsasagawa ng payout sa mga ito.